Minsan, ang hilig natin kumain kahit busog na. O kaya nama’y umiwas sa pagkain kahit gutom na gutom na dahil daw nagda-diet.
Minsan, ang hilig natin gumastos at bumili ng mga bagay na hindi naman kelangan tulad ng mga nilalako sa daan na batsa, sabon at kung anu-ano pa. Pero kapag kelangan naman ng pera dahil sa matinding pangangailangan, wala ng mailabas dahil nabili mo ng sandamakmak na batsa, sabon, atbp.
Minsan, past time natin ang mangarap ng gising – sana yumaman ako, o kaya’y makapag-asawa ako ng guwapo o di kaya’y maging sikat na artista ako. Pero kapag andiyan na ang mga pinangarap – kapag nanalo ka na lotto, o di kaya naman si John Lloyd ang naging boyfriend mo o sa Hollywood ka na-discover – hindi ka pa rin nakukuntento. Kumbaga, naghahanap ka pa rin ng mas hihigit pa sa mga pinangarap mo.
Minsan, mahilig tayong gumawa ng mga bagay na hindi na pinag-iisipan – dahil masaya, dahil yun yung nararamdaman mong gawin sa pagkakataong iyon, dahil naging katotohanan na yun ng pagde-day dream mo – kahit alam mong mali, sablay o hindi dapat. At kapag nangyari na, kapag andiyan na yung consequence ng mga bagay na hindi pinag-isipan, dun nagsisisi. Dun nagtatanong ng “bakit ko ba nagawa ito?” at maghahanap ng mga iba’t-ibang palusot para ma-justify ang maling nagawa para hindi lang madiin dito.
Minsan, madali para sa atin na mag-share ng mga magagandang bagay at aral na nangyari sa iyo, sa pag-asang may matututunan sila sa iyo. Pero minsan, nakakalimutan natin na hindi lang puro salita ang pangaral; mas mahalaga ay kung nakikita ba itong pangaral mo sa buhay mo.
Minsan, ang hilig natin mabuhay sa mga alaala ng nakaraan at sa pagpla-plano ng kinabukasan na nakakalimutan na natin ang kahalagahan ng ngayon. Magigising ka na lang minsan na iba na ang mga nasa paligid mo, at di mo narin kilala ang mga tao sa paligid mo dahil antagal mong nahimbing sa pagtulog sa nakaraan at hinaharap.
Minsan, may mga bagay tayong dapat alisin sa ating buhay kahit mahirap at masakit, dahil yun lang ang paraan para mas maging maayos ka. Tulad na lang ng blackheads at in-grown; ng mga blogs na hindi dapat mabasa at nga mga taong naging importante pero hindi naman dapat.
Minsan, may mga bagay tayong dapat alisin sa ating buhay kahit mahirap at masakit, dahil yun lang ang paraan para mas maging maayos ka. Tulad na lang ng blackheads at in-grown; ng mga blogs na hindi dapat mabasa at nga mga taong naging importante pero hindi naman dapat.
Minsan, kelangan paulit-ulit mong sabihin sa sarili mo ang mga bagay na dapat mong gawin para maalala mo, para magawa mo. Tulad na lamang ng mga bagay na kelangan mong gawin sa araw na iyon. O kaya naman yung listahan sa utak mo ng bibilhin sa grocery. O di kaya ang pagbitaw at paglimot sa isang minamahal.
Minsan, kelangan mong paniwalaan at pagkatiwalaan ang mga kaibigan mo na tama ang mga sinasabi nila sa iyo - yun ay kung mabubuti ang mga kaibigan mo. Gusto ka lang nila maging masaya at iniiwas ka lang nila sa pwede pang mangyari na mas masakit. Minsan, kahit mahirap para sa atin tanggapin, kelangan nating sumunod dahil alam naman nating tama sila.
Minsan, masaya din tumulala, yung walang iniisip, yung utak ay nasa hangin lang. Ang titigan ang pader. O kaya naman ang espasyo. Pag nagsawa ka na, bilangin mo na lang kugn ilang bituin ang makikita sa langit. O kaya nama'y gaano kadaming alikabok ang dumapi sa iyong mga pisngi. Para maiba naman, hindi yung isip lang ng isip.
Minsan, masarap bumalik sa mga bagay na ginagawa mo nung bata ka pa: mag bike, mag-coloring books, mag-patintero o piko, at kung anu-ano pa. Aminin mong napapangiti ka dahil naaalala mo kung gaano ka kasaya ng ginagawa mo eto nung bata ka. Ang mga bagay na nagpapaalala na simple lang ang buhay. Tayong matatanda lang naman ang nagpapakumplikado nito.
Minsan, masarap magka-crush. Yung kilig, yung sinisilip silip mo kung anjan na siya, yung napapangiti ka kapag katabi mo siya. Nung bata ako, kapag may crush ako, flina-flames ko agad yan para malaman kung bagay ba kami (para sa mga di nakakaalam, malamang, mas bata kayo sa akin). Pero ngayong tumanda na ako, pag nalaman na may crush ka, para ka daw bata. Hindi mo na rin alam kung paano i-express dahil marami na ring mga mata ang nakatingin sa iyo. Nalaman mo na kalokohan lang pala ang pagfla-flames ng mga pangalan niyo. At naisip mo rin na trying hard magpa-pansin kung magpapa-cute ka sa crush mo.
Minsan, masaya gumawa ng isang bagay na out-of-the-blue: yung hindi napag-planuhan, yung spur of the moment na mga lakad. Iba kasi yung dating, may sense of adventure at adrenalin rush. Hindi mo kasi alam kung ano ang pwedeng gawin, sino ang pwedeng kasama at hanggang saan kayo makakarating. At syempre, good, clean fun lang ang gusto kong tumbukin dito. Yung mga tipo bang naisipan mo lang yayain yung kaibigan mo na hindi mo na nakita for the last 5 years para mag-bike sa QC Circle; o mag-stalk ng crush ng kaibigan mo para malaman ang mga activities niya nung araw na iyon. *wink*
Minsan, mas okay para sa akin na sabihin mo kung maya ayaw ka sa akin o may kelangan akong baguhin o nasaktan kita, kesa araw-araw tayong nagkikita na hindi ko alam eh nang-gigilaiti ka na sa galit o inis dahil ayaw mo ngang sabihin sa akin. Oo, masasaktan ako kapag sinabi mo, pero at least alam ko na at pag-aaralan ko kung ano ang dapat gawin. Kesa naman baka ikamatay mo pa ang sama ng loob mong yan at di ka pa nagiging totoo sa sarili mo at sa mga tao sa paligid mo, ikaw rin ang mahihirapan.
Minsan, kelangan mong matutong huindi dahil eto ang mas makakabuti para sa mga nakararami.Kelangan mong alamin at intindihin kung ano ang dapat mong gawin at ano ang mga bagay na sa iba mo na lang ipagawa dahil hindi mo talaga kaya o hindi para sa iyo.
Minsan, kelangan mong lumabas sa kahon na kinalalagyan mo para sabihin at ipakita sa mga taong importante sa iyo na mahal mo sila. Kahit gaano pa yan ka-cheesy, ang importante napadama mo ang kahalagahan nila para sa iyo.
Minsan, kelangan mong tumigil sa ginagawa mo para magpahinga. hindi dahil tinatamad ka na, pero para maibalik mo ang iyong lakas at makagawa pa ng mas maraming bagay. Minsan, mas mahirap kapag na-burn out ka. Minsan, may mga hindi na nakaka-recover diyan.
Minsan, o madalas, kelangan mong malaman kung kelan ba yung sinasabing perfect timing o tamang panahon bago mo gawin ang isang bagay. Hindi lahat ng bagay pwede mong gawin dun sa oras na gusto mong gawin. Minsan kelangan mong maghintay, dahil kelangan siya sa proseso na kelangan pagdaanan. Dahil kung hindi, mahihinog sa pilit. Hindi maganda ang magiging bunga nito.
At minsan, nauubusan ka rin ng sasabihin. Signal na yun na tapusin mo na ang blino-blog mo at kelangan mo naman gumawa ng iba pang bagay na mas mahalaga pa dito.
No comments:
Post a Comment