Makakalimutin ako. Tanong niyo pa ang mga malalapit kong kaibigan kung gaano kalala ang pagiging makakalimutin ko. Minsan, nakakainis na pero minsan, may advantage din. Di bale, wino-work out naman namin ni Tito Gary (our resident counselor!) kung paano maibalik ang aking memory lalo na yung mga binura na. (ibang kwento naman yun).
Dahil nga sa sakit kong makakalimutin, maraming mga nangyari sa buhay ko na di ko na matandaan. Daig ko pa ata ang mga lolo sa dami ng aking memory lapses ko. Minsan, natatandaan ko kung tutulungan mo akong alalahanin siya. Pero kung mag-isa lang ako, madalas wala akong naaalala. Kaya nga ang best friend ko, minsan iniisip niya na gumagawa na lang siya ng kwento pag magkasama kami kasi lagi na lang na parang bagong kwento para sa akin lahat ng kwinekwento niya. Gets mo na ba ang picture?
* * *
Nung isang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong makita at maka-hang-out yung best friend ko nung high school, si Lorraine, pagkatapos ng graduation namin 15 years na ang nakakalipas. Actually, nagkikita naman kami sa UST nito nung college, pero wala naman time na magkasama dahil magkaiba kami ng college nun. Puro phone calls lang. Nung asa Costa Rica naman ako, madalas kami nagcha-chat dahil siguro kami lang dalawa ang nagkakaabutan sa chat room (asa Dubai kasi siya nun) at nakakapag-update naman kami sa buhay ng bawat isa. Kaya nung nasabi niyang uuwi siya sa Pinas, nagkasundo kami na magkita kami kahit anong mangyari. At praise God, nagkita nga kami.
* * *
Syempre, kapag 15 years na kayong di nagkita, kahit ba nagcha-chat kayo, ang lagi niyo pa ring pag-uusapan ay yung mga memories niyo nung magkasama kayo. so, it’s-all-about-high-school ang drama naming nung nagkita kami. At nagulat ako. Dahil andami niyang pinaalala sa akin na ginawa ko nung grade 6 at high school, na talagang nakalimutan ko na, gaya ng:
- - Nakipag-sabunutan ako sa kaklase kong lalaki nung grade 6 at hinamon ng suntukan dahil tinaas ang palda ko at sinipulan ako (na muntik na akong di maka-graduate ng elementary dahil sa kanya)
- - Nung 1st yr naman, super favourite ako ng Religion teacher namin. Paano kasi, every other class ata, lagi na lang ako napapatayo sa klase ng buong period sa sobrang daldal. O kaya naman, tulog. O kumakain. Basta kung anu-ano ginagawa. Minsan, bigla na lang sumugod yung teacher namin isang recess, ng malaman niyang ako daw ang nagpasimuno ng panunukso sa kanya dun sa isa naming Teacher sa Araling Panlipunan (na sinasabi niyang best friend lang daw sila). At dahil hindi niya mapatunayan na ako nga yung nagkalat ng chismis, pinakanta na lang niya ako ng “No man is an island” nung sumunod na klase namin sa kanya. (di naming maalala kung ako nga yung nagpasimula nun)
- - Napabarkada ako sa isa naming classmate na transferee. Actually, kasing-edad siya ng ate ko at kick-out ng Kostka. At dahil mataray at siga siya, walang gustong makipag-kaibigan sa kanya. At dahil sa tabi ko siya umupo, wala akong choice kundi kaibiganin siya. Hanggang sa naging close na kami. Hanggang sa magkasama na kami sa kalokohan: cutting classes, matulog ng nakabukas ang mata, mang-trip ng mga teachers, sumulat ng prank notes, mag-vandal at kung anu-ano pa. Buti na lang, isang taon lang siya sa school namin, kung hindi malamang, na-kick out na rin ako nun.
- - Nung 2nd yr naman ata ang may pinaka-marami kong kalokohan. Andyan yung hi-nunting ako ng isang pop group sa school ng malaman nilang naging barkada kami nung kaaway nila, tapos ilang beses pinatawag ang ate ko (hindi ko pinapapunta ang nanay ko, kasi lagot ako kaya ate ko na lang) dahil lagi akong nadadawit sa away ng iba at nung tinanong ko yung isa kong teacher na “buntis po ba kayo?” eh matandang dalaga yun at di pa niya nage-get over ang pagbre-break nila ng boy friend niya 3 months ago (at naghurementado talaga siya dahil sa tanong na yun at tumakbo talaga ako palabas dahil natakot ako sa sobra niyang galit), mga madalas na cutting classes at laging dahilan ay “clinic po” (hanggang nag-duda na ang Biology teacher naming kaya pinapahatid-sundo na niya ako sa clinic nun), at taga-gawa ako ng love letters ng mga kaklase kong tibo na may bayad ng Php 20 kada sulat. Minsan, kung di naman love letters, assignment naman, o kaya ihahanap ko sila ng lyrics ng kanta at bayad ang kapalit.
- - 3rd year naman nung naranasan kong batuhin ako ng Math teacher ko ng chalk sa bibig sa sobrang daldal, at dahil sa sulsol ng mga kaklase, nag-mega drama ako sa klase at walk-out (sabay iyak) na may pagbabantang papatanggal ko siya ng lisensiya. Yun din yung panahong naimpluwensiyahan ako ng ate ko mag-pluck ng kilay kaya kahit bawal at lagi ako napapatawag sa OSA, laging isang linya lang ang kilay ko nun with matching mild red lipstick. Natapos na ako sa paggawa ng assignment ng iba, ang pinababayad ko naman nun ay ang pangongopya at mga kodigo. at minsan, nagpa-huli akong dumadaldal ng minsang nanunuod kami ng isang play sa Auditorium para patayuin ako sa may likod dahil nakita ko yung crush kong artista (kilala niyo ba si Richard Quan? Dko nga alam kung bakit ko naging crush yun). At nung pinapa-upo na ako, ayoko pa rin kasi nagkwe-kwentuhan na kami ni Richard nun, kaya hinila pa ako ng teacher ko nun para umupo.
- - At nung 4th yr, hindi pa rin natigil. Muntik na akong hindi maka-graduate dahil yung teacher naming sa Araling Panlipunan (na bestfriend daw ng Religion teacher namin), nahuli kaming nagdadaldalan ng seatmate ko. At nung pangatlong beses na, sa sobrang irita sa amin, pinapunta kami sa OSA nun. Nag-resist pa kami dahil ini-insist naming na related naman sa subject namin ang pinag-uusapan namin (at nagbigay pa kami ng examples! Eh samantalang boys at fashion lang naman ang topic namin nun). nag-drama pa kami sa OSA officer nun dahil nga tri-neath kmi na di kami ga-graduate. Kaya sobrang inis sa amin nung prof naming ng di kami kinasuhan ng OSA at makaka-graduate kami.
Hindi naman ako ang pinaka-pasaway na estudyante nun sa batch ko, pero hindi rin ako yung pinaka-mabait. Kung kilala mo kami ni Lorraine nun, magtataka ka kung bakit kami mag-best friend. Oo, parehas kaming madaldal pero gang dun na lang ang pagkakaparehas naming. Kung siya teachers’ pet, ako teachers’ enemy. Kung siya laging asa safe side, ako laging nadadawit sa gulo ang pangalan. Kung siya laging honor student, ako, average lang kasi ayoko ngang mag-aral. At kung siya takot sa school rules, ako laging nag-iisip ng paraan pano mabe-bend ito.
* * *
“kaya di ako makapaniwalang missionary ka ngayon, Khyme.” Yan ang sabi sa akin ni Lorraine pagkatapos naming alalahanin at pagtawanan yung mga kalokohan ko dati.
“paano, Khyme? Paano ka nagbago at ngayon, nagpre-praise the Lord ka na?” Natawa ako sa term niyang praise the Lord. Pero oo nga, paano ba ako nagbago? Napaisip din ako. kwinento ko yung nag-youth camp ako pagka-graduate ng high school at simula nun, nagbago na lahat. Iniisip ko dahil ba mababait yung mga kasama ko? O dahil nabigyan ako ng break na maging mabuti at gumawa ng extra-ordinary things? O dahil sa maraming bagong taong nakilala?
Hanggang sa ang nasabi ko na lang “siguro, sobra lang akong mahal ng Diyos na kinalimutan niya lahat ng kalokohan ko at tinanggap niya ako ng buong-buo. Kaya di na ako kumawala. Dahil hindi na niya ako pinakawalan.” Totoo, siguro kung hindi ko naramdaman yung sobra-sobrang pagmamahal ng Diyos sa buhay ko, kahit sobra akong maloko, hindi siguro ako misyonaryo ngayon. Baka napariwa na rin ang buhay ko gaya ng iba naming batch mates, baka marami na rin akong panganay, baka isa na rin akong addict. Kung di sa pagmamahal ng Diyos ko, kung hindi ko naramdaman ang pagpapatawad niya sa akin, di ko alam kung nasaan na ako ngayon.
* * *
Nung gabi ring iyon, naisama ko siya sa CTK Assembly at hinayaan kong ma-experience niya ang kagalingan ng Diyos dun sa Prayer Meeting na ‘yun. Hindi man niya ganun naintindihan ng lubusan dahil bago pa lang siya sa mga ganitong bagay, naniniwala ako na nag-work na sa kanya ang Espiritu ng Diyos ko. Naalala ko lang turo sa akin ng isa sa mga mentor ko dati, si Ate Yeng, na dalhin mo lang ang isang tao sa isang prayer meeting at bahala na si God mag-work sa kanya. Ang trabaho mo lang, dalhin siya. Kaya naniniwala ako na yung CTK Assembly na yun ay pagtatanim na sa puso niya ng buto ng pananampalataya. At bahala na si God mag-cultivate nun.
At yung mga kalokohan ko? Hindi ako proud na nagawa ko yan pero sinulat ko talaga yan, para maipakita na kahit sino pwede magbago. May rason kung bakit ko siya nakalimutan at bakit ngayon, kelangan ko siyang maalala ng lubusan. Pero okay lang. Kapag binabasa ko ‘to, laging pinapaalala sa akin kung gaano kagaling ang Diyos ko, na kaya niyang baguhin ang kahit sino ng kanyang pagmamahal at pagpapatawad, na walang nakaraan na hindi niya pwedeng kalimutan para gamitin ka niya sa mission na ibinigay niya sa iyo. Hindi ako proud sa mga kalokohan ko, pero proud ako na nabago ako ng Diyos ko. At patuloy-tuloy pa rin ang pagbabagong ginagawa niya hanggang sa maging katulad ko na Siya.
No comments:
Post a Comment